Sino nga naman ang mag-aakala na mangyayari sa atin ang ganito?
Itinuring kitang isa sa mga malalapit kong mga kaibigan dahil halos pareho tayo ng mga gusto kaya nagkasundo tayo at hinayaang ang mga bagay na gusto natin pareho ang kumilos upang tayo ay magkalapit.
A oo nga pala. Alam mo na rin siguro na noon ay hindi kita gusto. Naaalala mo ba ang pagkakakilala natin sa aplikasyon ng isang organisasyon sa UP, oo tama ka, Cineastes’ Studio yun. Ikaw lang ang lalaki sa grupo ng aplikante. Asar ako sa ‘yo kasi lumabas kaagad ang angkin mong kayabangan. Pero sa huli, natanggap ko iyon dahil totoo ka sa iyong sarili at hindi mo itinago iyon, hindi ka nagkunwari upang makasilaw lamang ng bagong kaibigan. Oo. Nasilaw mo ko.
Nasubok ang pagkakaibigan natin noong magkaroon ng tensiyon sa pagitan mo at ng isang miyembro ng Cineastes’. Grabe ka pare, babae na matapang ang kinalaban mo. Alam ko na lalaki ka pero nagkaroon ako ng pagdududa na matatalo mo siya. Ano nga ba ang ginawa ko noon? Ah oo, pumanig ako sa iyo.
Simula na iyon ng ating pagsasamahan. Masaya kasi nasasabi ko sa iyo ang mga saloobin ko, ang mga pagtingin ko sa mga bagay-bagay, at mas masaya kung nagkakaiba tayo ng mga opinyon sapagkat sa huli ay naiintindihan natin ang punto ng isa’t isa at mas lumalalim ang respeto sa bawat isa. Nasasabi ko rin kung ano ang mga bagay na ginawa mo na ayoko. Nasasabi ko rin ang problema sa ugali mo, ang ayoko sa ugali mo at natutuwa ako sa pagiging bukas ng iyong isipan sa pagtanggap ng puna kahit na mahirap sa iyo ang makinig at namumuhay ka sa paniniwalang "kung ayaw nila sa akin, e di ayaw ko rin sa kanila". Tinanggap ko lahat iyon sapagkat naniniwala ako na magbabago ka para na rin sa ikabubuti mo.
Nasiyahan ako ng bigyan mo ako ng mga cds na ang laman ay ang mga gusto mong kanta. Natuwa ako sapagkat binuksan mo ang iyong sarili sa akin sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mga kanta. Nasiyahan din ako nang ipaalam mo sa akin na ako ay kinokonsidera mong isa sa mga malalapit mong kaibigan at bilang katibayan ay binigyan mo ako ng sulat na nasa dilaw na papel na sinabi mong palatandaan na iyon na ang turing mo sa akin.
Hindi ko talaga inaakala na magagawa mo sa akin ang ganoong bagay. Naging matapat ako sa mga nararamdaman ko sa iyo. Pag naiinis ako sa iyo, sinasabi ko agad sa iyo iyon ng direkta para malaman mo. Pag humihingi ka ng komento, sinasabi ko ang tunay na nasa isip ko. Hindi ko sinasabi ang gusto mong marinig at alam mo iyon dahil kalimitan ay masakit sa tenga ang naririnig mo. Naging totoo ako sa iyo at sa pagkakaibigan natin.
Pinatawad na kita. At oo, papansinin na kita at kakausapin pero huwag mong aasahan na katulad pa rin ng dati ang pakikitungo ko sa iyo. Nagbago na ang lahat at ikaw ang gumawa noon, sa iyo nanggaling. May nasira na sa ating pagsasamahan at iyon ay ang TIWALA. Mahirap yon. Aminin na natin na may magbabago talaga. Huwag na tayong magbulag-bulagan pa at magkunwari sa sarili natin. Ang pinakahuli kong magagawa sa aking sarili ay ang magkunwari.
Huwag mo na rin pala akong sasabihan ng "I love you, Asta" kasi sa ngayon, hindi ko pa kayang paniwalaan ulit ang mga katagang iyan. Huwag mo na rin akong yayakapin dahil wala kang aasahang tugon sa akin, mapapahiya ka lang. Mami-miss ko ang pagpasan ko sa likod mo pero ayoko talagang lokohin ang sarili ko. Marami akong mga kaibigan na may kakayahang ipasan din ako. Yung puro ang saya at tiwala ang mararamdaman ko na hindi nila ako ilalaglag kailanman.
Kung sinabi mong hindi ka lang naiintindihan ng iba, bakit hindi mo pag-aralan ang sarili mo, baka ikaw mismo ang hindi makaintindi sa sarili mo.
At maawa ka sa nanay mo na nagtatrabaho para sa iyo, pati na rin sa kuya mo. Huwag mo na ulit laslasin ang pulso mo. Alam mo naman ang tingin ko sa mga ganoon e, naparating ko sa iyo ng malinaw iyon. Minsan kasi, ikaw ang gumagawa ng problema mo e. Huminga ka pare at mag-isip. Isipin mo ang pamilya mo na nagmamahal sa iyo.
Huwag kang mag-alala, kakausapin na kita. Maging handa ka lang sa pagbabago. Yun lang pare.